1 [First Draft]  

Posted by JhedRotten

Nakilala ko si Kari noong mga panahong nahuhumaling ako sa anarkismong pananaw at pananamit. Tumigil na ako sa pag-iiskateboard noong mga panahong iyon- isa sa aking mga unang pagtigil, 'pagkat maraming beses akong tumigil sa pag-iiskate, mas marami pa sa inaakala ko noong panahong iyon. Sa katunayan ay inakala kong hindi na ako muling tatapak sa skateboard.
Isang normal na hapon iyon nang lumabas akong kalakip ang isang retrato ng ni Tim Armstrong ng Rancid sa aking kamay. Cover sleeve iyon ng album nilang Indestructible. Naka-gear ako noong hapon na iyon, nangangahulugang suot ko ang karaniwang masikip na pantalon, makapal na jacket at ang matigas na botang Doc Martens. Kahit na sapat na ang kaalaman ko sa anarkismo noon, kamakailan ko lang napagnilayan kung bakit ko nga ba kinailangan pang magsuot ng ganoong kasuotan. Oo nga't ito ang karaniwang suot ng mga musikerong nagtataguyod ng anarkismo at mga tunay na pankista subalit may katotohanang hindi nga angkop sa ating lipunan ang ganitong pananamit ng dahil sa klima at sa mahal ng DMs sa Pilipinas.
Walang naglalaro noong araw na iyon maliban kay Carlo, at sa isang lalaking kalaunan ay makikilala ko bilang si Kari. Nagsisimula palang kaming matuto ng panahon na ito, at sa naalala ko ay hindi naman ako lubusan pang tumitigil sa pag-iiskate noong nangyari ito. Wala lang akong panahon maglaro dulot ng labis na pagpupuyat kapupunta sa mga konsyerto.
Guma-gap sila ng one deck na sa dila ng skater na Pilipino ay nangangahulugang lumulundag sila sa isang skateboard na nakatagilid sa pamamagitan ng pag-ollie dito. Sa aking tantsya ay isang buwan pa lamang kami natuto nito, sapilitan pa dahil sa isang pangyayaring tutukuyin ko sa susunod na yugto ng librong ito. Kung kaya't iba ang impresyon ko sa dahuyang ito na tila bihasa na sa tirang ito 'pagkat kitang kita ang tinatawag na consistency sa kanyang galaw at walang kahirap-hirap niya itong ginagawa ng paulit-ulit. Kapansin-pansin din ang mga tira niya na wala pa kami, tulad ng BS Pop Shove It at Kickflip. Higit nga ang lamang ng karanasan ng taong ito kumpara sa amin.
Subalit kung kapansin-pansin na ang kanyang malulupit na tira (noong panahon na iyon), mas kapansin-pansin ang kanyang kasuotan: bagkus pang-araw-araw na kasuotan ang t-shirt at hindi naman masyadong kaka-iba ang pagsusuot ng shorts sa isang skater, kagulat-gulat ang reyalidad na hindi siya nakasapatos- siya ay naka-sandals. At hindi iyon biro; ito talaga ang pang laro niya. Doon ako napahanga.
Sandali pa'y tumayo ako sa aking kina-uupan, isang baitang ng isang dating tindahan sa harap ng aming bahay, at lumapit ako kay Carlo na diretso ang titg sa deck, na wari ba'y nag-iisip kung ano ang kanyang titrahin.

“Sino yan?” ang wika ko sa aking mahinang boses habang tumitira si Kari. Hindi ko alam kung bakit, subalit nang sandaling iyon ay tila pamilyar ang dayuhan. Nakita ko na siya dati, ang sabi ko sa sarili ko.

Nanatiling siyang nakatayo sa kabilang dulo, kaharap si Carlo, at nang nakutubang hindi ito titira ay tumakbo sabay sakay sa skateboard at ginapan ang isang skateboard, na isang sulyap ay nakilalang kay Arvin. Tumigil na siya sa harapan namin at pinakilala ito ni Carlo bilang si Kari.

Himagsik  

Posted by JhedRotten

Sa paglisan ng tagak kasabay ang paglisan ng halimuyak
na minsang ninais at pinagkait sa pagpikit ng miminsang tadhana.

Minsa'y nagwika: alam mo kung sino
                                             kilala mo kung sino
                               at ang muntikang kalabit ng gatilyo sa kuwarenta'y singko.

Ang pait ay tumuldok sa himpapawid, at panawid gutom ang pulburang bumura sa kamalayan.

         Naglaho na ang pag-asa. Naglaho na ang pananabik. Naglaho na ang magtataho sa tahol ng mga
                                                                                                                                                             aso.

Tapos na ang mga kahol & ikaw ay kuhol: Isang aninong nakahawla, patingin-tingin at bumabanat
      ng mga katagang: paano kaya kung, ano kaya kung ako

Subalit alam mo ang dahilan ng paglayas ng kalayaan:

      Malawak ang himpapawid, malalim ang dagat & mabangis ang lupa.